isang liham para sa ika-dalawang buwan ng matamis na pag-iibigan

Neil,

     Wala na.

     Wala na akong masabi.

     Ang dalawang buwan ay para bang dalawampung taon.

     Sa sobrang dami ng mga nakatutuwa, nakakikilig, nakaaaasar at nakawiwindang na pangyayari, pakiramdam ko ay habang buhay na tayong magkasama.

     Sa tuwing mayroon tayong hindi pagkakaunawaan, minsan gusto ko nang sumuko at tigilan na lang ang lahat. Pero anu ba, para ko namang pinigilan ang sarili ko na huminga.

     Gano’n ang nararamdaman ko para sa’yo. Na parang kapag nawala ka ay hindi ako makakahinga. Ikaw ang isa sa mga dahilan kung bakit ako masaya at ayokong mawala ‘yon.

     Sa tinagal-tagal ng panahon ng paghihintay at pag-asam sa isang tulad mo, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maisip na nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala ka.

     Nasabi ko na sa’yo noon na isa ka sa pinakamalalim na nilalang na nakilala ko sa buong buhay ko at hindi ako magsasawa na sabihin sa’yo na isa kang henyo (ang umangal, itutulak ko sa bangin). Totoo ‘yon at hindi magbabago ang paniniwala ko’ng ‘yon sa pagdaan ng maraming panahon. Nirerespeto kita (kahit minsan hindi halata). Nirerespeto ko lahat ng pinaniniwalaan at sinasabi mo.

     Hindi ko inaasahan na mayroon pa pala’ng lalaking katulad mo na nabubuhay sa mundo – sensitibo, mapagmahal, maaalalahanin, makulit, sentimental, intelektuwal sa lahat ng bagay (wala itong eksaherasyon). Ikaw ‘yung madalas kong gawing bidang lalaki sa aking mga nobela.

     Sabi ko, wala na akong masabi pero heto, may sasabihin pa ako-

     Mahal na mahal kita, Neil. Kalimutan mo na ang lahat ng una kong mga nasabi, ‘wag lang ‘tong huli.

                                                                                                             Cee

sp_a26524

Published in:  on February 15, 2009 at 5:10 am Leave a Comment

The URI to TrackBack this entry is: http://ceciliacordero.wordpress.com/2009/02/15/isang-liham-para-sa-ika-dalawang-buwan-na-matamis-na-pag-iibigan/trackback/

RSS feed for comments on this post.

Leave a Comment