Hanggang Sa Muli

Paano kaya kung magkita tayo’ng muli

Magsasawalang kibo ba o ako’y ngingiti

Ano kaya ang mararamdaman

Ng puso ko sa oras na ika’y masilayan

 

Ano kaya ang iyo’ng gagawin

Kapag muling nagkita ang landas natin

Ako kaya ay mapapansin mo

Kung sakaling magkasalubong tayo

 

Ituturing mo kaya ako’ng isang kaibigan

Tatawanan, ngingitian na parang wala lang

Ano kaya ang una mo’ng sasabihin

Tulad kaya ng unang pagkikita natin

 

Makakayanan ko kayang ika’y muling yakapin

At ipadama sa’yo natatagong damdamin

Magkaroon kaya ng lakas ng loob

Sabihin sa’yo hinanakit ko’t poot

 

                                                                      Marahil hindi mo na ako maaalala

                                                                      Ang dating pagtingin ay sadyang wala na

                                                                      At kung tayo nga’y magkitang muli

                                                                      Marahil kalakip nito’y mapait na ngiti

 

                                                                       November 19, 2005

                                                                       12:15am

image from http://www.flickr.com/photos/blmurch/332041319/

Nasaan Ka

Ako kaya ay naaalala pa

Ako kaya ay naiisip pa

Hindi ka rin kaya makatulog sa gabi

Inaasam mo rin kaya na magkapiling muli

 

Pinapangarap mo rin ba kahit minsan

Na muling magkita kahit panandalian

Nalulungkot ka rin kaya sa pagsapit ng dilim

Inuulit sa alaala mga gabi’ng magkapiling

 

Sa bawat pagpatak ba ng ulan

Dala sa’yo’y alaala ng ating pinagsamahan

Sa tuwing pipikit ba ang iyong mga mata

Kasama ba ako sa iyo’ng nakikita

 

Dumarating din kaya ang mga sandali

Na ang tunay na damdamin ay pilit kinukubli

May mga panahon kaya’ng napapabuntung-hininga

Walang magawa dahil sadyang malayo ka

 

Tinatanong mo rin kaya sa iyo’ng sarili

Kung may pag-asa pang makita ang bahaghari

Tinatanaw mo rin ba ang mga bituin sa langit

Dinarasal na sana ay mahagkan ka’ng muli

 

Lagi ko’ng iniisip kung nasaan ka na

Masaya ka ba ngayon o tulad ko’ng nagdurusa

Sino kaya ang may hawak ng ’yong mga kamay

Sa pagtulog ba sa gabi mayroong nagbabantay

 

Mayroon kaya’ng nagpapangiti

Sayo’ng mga labi tuwing may pighati

Sino kaya ang iyong inaalala

Ngayo’ng di na ako ang iyo’ng kasama

 

Hindi ko alam kung ano’ng iniisip mo

Kung d’yan sa puso ang laman ba ay ako

Tulad din ba kita na ngayo’y isang bigo

Naghihintay sa pagwawakas ng paghihirap ng puso

 

October 18, 2005

Tuesday, 2:30pm image from http://www.flickr.com/photos/wtlphotos/2096886522/